Isang batang lalake ang mahilig kumuha ng hindi niya pag-aari. Siya ay nakatira sa kanyang lola dahil ulila na siyang lubos. Malimit siyang mapalo sa kasalanang pagnanakw. Ngunit ang batang ito ay nakagawian na ang ganong ugali, parang sakit na niya ang kumuha ng hindi sa kanya. Hindi na rin niya mabilang ang palong inabot niya sa kanyang lola.
Isang araw tinawag siya ng kanyang lola at may sinabi sa kanya, " nais kong malaman mo ang isang katotohanang mahal na mahal kita, at ayaw kung lumaki kang ganyan. Kaya kita pinapalo dahil ayaw kung ulitin mong muli ang pagnanakaw. Ngunit hindi na umobra sa iyo ang pamalo kaya napagdesisyunan kong ito ang gamitin sa iyo." Kinuha niya ang malaking karayom at sinabi, "nakikita mo ito. Pagbabagahin ko ito at kapag inulit mo pa ang kumuha ng hindi mo pag-aari ay itatarak ko sa palad mo ang nagbabagang karayom na ito." Natakot ang bata at matagal din na hindi niya ginawa ang masamang
gawain. Ngunit isang araw ay hindi niya napigilang ulitin uli. Itinago niya ito sa kanyang lola para hindi makita. Ngunit hindi sinasadya nakita ng kanyang lola ang kanyang itinago, tinawag siya nito at kinausap, " Saan mo kinuha ang mga ito?" Hindi nakasagot ang bata at siya ay isinama ng kanyang lola sa kusina at may ipinakita sa kalan. "Nakikita mong nagbabaga ang karayom, ibukas mo ang dalawa mong palad." Takot na sumunod ang bata at medyo nanginginig. Kinuha ng matanda ang nagbabagang karayom at handang itarak sa palad ng bata, "Anak, alam mo bang kailangan mo ito bilang kaparusahan sa iyong ginawa, pero dahil mahal na mahal kita ay ako na lang ang kukuha ng parusa mo." Biglang itinarak ng kanyang lola ang karayom sa sariling palad at pumuslit ang dugo. " Anak, pagmasdan mo ang dugong ito, titigan mo ang halaga ng iyong kasalanan. Ito ang tanda ng tunay kong pagmamahal sa iyo." Hindi nakaimik ang bata at simula noon ay hindi na niya inulit ang kanyang masamang gawain. Naunawaan
niya kung gaano siya kamahal ng kanyang lola at palagi niya itong ikwenikwento sa kanyang mga kaibigan.
Kung nauunawaan lang natin ang labis na pagmamahal ng Diyos sa atin marahil ay lalapit tayo sa kanya at magbabagong buhay. Sinabi ni Hesus, "walang kasing dakila ang pag-ibig ng kaibigang nagbuwis ng buhay dahil sa kanyang kaibigan." Si Hesus ang iyong kaibigan, ang patuloy na nagmamalasakit na kaibigan. Bakit hindi mo siya pahalagahan?
"Walang may lalong dakilang pag-big kaysa rito, na ibigay ng isang tao ang kanyang buhay dahil sa kanyang mga kaibigan." Juan 15:13