Kalahating Oras sa langit

Maikling Kuwento ni Rhom Peña 




“Tatawagan kita pagdating ko sa langit makalipas ang kalahating oras matapos akong mailibing. Huwag kang malulungkot dahil mahal na mahal kita Rohan at mananatili ka sa puso ko at sana  manatili rin ako sa puso mo. Mahintay mo sana  ang tawag ko.”


Ito ang huling bilin sa akin ni Didrei bago niya ako tuluyang iwan. Huling bilin na kailanman ay hindi ko naunawaan.


Halos pumanaw na rin ang puso ko noong nawala siya. Hindi ko na masisilayan ang maamo niyang mukha na sa tuwing titingnan ko’y napapawi ang aking patung-patong na problema. Wala na siya. Wala na ang nagmamahal sa akin. Wala na ang nagparamdam sa akin ng tunay na kahulugan ng pag-ibig. Pag-ibig habambuhay na kahit sumapit sa kamatayan ay walang hinihintay na kapalit.


Ang bawat panimdim ay niyakap ng mga ngiti sa labi habang inuugoy ng malamyos na hangin ang tapat naming pagmamahalan. Hindi ko na siya makakasama kahit sandali man lamang. Hindi ko na maiguguhit muli ang pigura ng mukha niya na pumapailanlang sa lahat sa tuwing makikita ko siya. Hindi ko na siya mayayakap muli. Hindi ko na mahahagkan ang malambot niyang labi na sa tuwing inilalapat ko ang aking labi ay dumadaloy ang likido ng aking wagas na pagsinta.


Hindi ko na maririnig ang kaniyang tinig. Tinig na tila anghel na gumagabay at tumatanglaw habang ako’y nabubuhay. Kahit sa cellphone ay hindi ko na maririnig ang boses na hinahanap-hanap kong parati. Hindi ko na siya makakasama. Hindi na! Wala na siya. Hindi ko na madarama ang tibok ng puso niya. Humiwalay nang tuluyan ang kaluluwa niya sa katawang panlupa at tuluyang nilamon ng kawalan ng daigdig nang dahil sa Leukemia.


“Ano ang ibig sabihin ni Didrei na tatawagan niya ako pagkalipas ng kalahating oras pagkalibing niya?” Palagi kong tanong sa aking sarili.


Paano niya ako matatawagan dito sa lupa pagkalipas ng kalahating oras? Hinding-hindi ito maalis sa aking isip at patuloy itong umuukit sa aking kabuuan. Tanong na kailanman ay hindi ko mabatid ang kasagutan.


Iniisip ko na lang na marahil ay magpaparamdam siya gamit ang cellphone. Hindi ako umalis sa puntod matapos siyang mailibing. Naghintay ako nang mahigit sa kalahating oras ngunit hindi siya tumawag. Sabik na sabik pa naman ako na kahit sandali ay marinig ko pa ang kaniyang tinig. Tinig na sana’y patuloy na gagabay sa akin kahit malayo na siya. Tinig na sana’y papawi sa kalungkutang kumukubkob sa aking puso, isip, kaluluwa at sa aking pagkatao.


Wala na rin ang mga pangarap namin. Wala na ang buhay na binabalak naming buuin. Wala na rin ang plano naming tahanan na sana’y kukupkop sa amin kapag kami’y naging isa na. Sa pagpanaw niya ay pumanaw na rin ang lahat para sa akin. Pumanaw na ang aming mithiin na malapit na sanang matupad. Pumanaw na ang bukas para sa akin. Ang tanging pangako niya na hindi ko binitiwan ay ang pangako niya na mamahalin ako magpakailanman.


“Magpapakasal tayo, dalawang taon pagkatapos nating grumadweyt.”


Ito ang sinabi ko sa kanya habang hawak-hawak ang maligamgam niyang kamay sa dalampasigan ng dagat Tuhian nang minsang magbakasyon kami sa amin, sa Quezon. Sembreak noon, isang semestre na lang at magtatapos na kami. Pagkalipas ng dalawang taon matapos naming tanggapin ang diploma ay magiging isa na kami. Pangako namin iyon sa isa’t isa. Pangako na hanggang ngayo’y nakatatak pa sa puso ko. Pangako ng pagmamahalan. Pangako na kailanman ay hindi ko malilimutan.


“Oo, magpapakasal tayo, pangako.” Ito ang marahang lumabas sa kanyang labi habang humihigpit ang yakap ng mga daliri niya sa aking mga daliri.


Ngunit ngayon ay nag-iisa na ako. Kalahating taon na lang ay mawawakasan na sana namin ang pagiging magkasintahan at magiging mag-asawa na kami. Pero naglaho agad iyon. Naglaho na parang pakakak ng ibon sa gitna ng nakaumang na kamatayan. Kamatayang dulot ng paglamon ng masama at traydor na nananalaytay na likido sa kabuuan ng kanyang katawan. Hindi ko na siya makakasama. Wala na siya! Hindi ko na madarama ang tibok ng puso niya. Humiwalay nang tuluyan ang kaluluwa niya sa katawang panlupa at tuluyang nilamon ng kawalan ng daigdig nang dahil sa Leukemia.


Ang dati kong sigla ay naparam. Nawala na rin ang mga pangarap ko buhat ng mawala si Didrei. Parang ayaw ko nang ipagpatuloy ang buhay ko. Isang uod na lumalamon sa katauhan ko ang pagkawala niya. Lumipas ang panahon ay pinilit kong ibsan ang pait sa puso ko. Pinaibabawan ko ng isang hindi ganap na pag-ibig ang pangungulila sa kanya.


Matagal ko na ring kilala si Nicole. Noong nasa kolehiyo pa lang ako ay alam kong hinahangaan na niya ako. Nagpatuloy iyon hanggang sa umamin siya sa akin sa hindi inaasahang pagkakataon sa isang Love Booth noong Acquaintance Party ng kolehiyo namin.


“Rohan, alam mo bang dati pa ay hinahangaan na kita at ngayon ay mahal na ata kita. Sabihin man ng iba na mali na ang babae ang magtapat ng pagmamahal sa lalaki pero sinasabi ko lang ang nararamdaman ko.” Ito ang sabi ni Nicole habang kami lang dalawa sa booth.


Pero iba ang mahal ko noon at si Didrei iyon. Nararamdaman ko na malapit na akong sagutin ni Didrei kaya hindi ko na pinansin kung anuman ang nararamdaman sa akin ni Nicole. Maganda si Nicole, morena at kaaya-aya ang hubog ng pangangatawan. Pero si Didrei ang tinitibok ng puso ko. Maamo ang kanyang mukha, mayumi kung kumilos at magsalita. Pareho ko silang kamag-aral noon sa kolehiyo.


Sa pagpanaw ni Didrei ay biglang bumalik sa buhay ko si Nicole. Ipinalasap niya sa akin ang buo niyang pagmamahal ngunit kahit kailan ay hindi ko ito nagawang suklian. Lagi ko pa ring naiisip si Didrei kahit alam kong wala na siya. Lagi kong hinahanap-hanap ang yakap niya. Pilit kong inaaninag sa mukha ni Nicole ang maamong mukha ni Didrei, kahit ilusyon lang ang lahat. Ilusyong bunga ng pangungulila na dumadarang para magbago ang takbo ng buhay ko.


Pinakasalan ko si Nicole kahit na alam ko sa sarili ko na hindi ganap ang pagmamahal ko sa kaniya at kailanman ay hindi magiging ganap. Nagkaroon kami ng dalawang anak. Nalulong ako sa paglalasing. Nalulong ako sa pagsusugal. Nalulong ako sa mga bisyong akala ko ay magpapalimot sa akin sa mga alaala ko kay Didrei. Nalulong ang pagkatao ko sa masamang pita ng laman na dati’y hindi man lang sumagi sa isip ko noong kapiling ko pa si Didrei. At kung siya ang kasalo ko, ay hinding-hindi ko magagawa ang mga kahibangan kong iyon.


Dalawampung taon ang lumipas. Pasado alas-dose ng madaling araw ng unang petsa ng Nobyembre ay nagising ako dahil sa malakas na tunog ng aking cellphone. Pinilit kong abutin ang cellphone na nakapatong sa lamesitang katabi ng kama. Nakatalikod sa akin ang aking asawa na mahimbing na ang tulog. Hindi ko na tiningnan sa screen ng cellphone kung sino ang tumatawag sa halip ay dali-dali kong pinindot ang buton.


“Hello sino ‘to?” Ang banayad kong tugon sa tumatawag. Medyo matagal bago sumagot ang kausap ko.


“Si Didrei ito Rohan.” Halos kilabutan ako noon. Pero madali akong naniwala dahil alam kong boses nga niya at ang boses na iyon ang boses na matagal ko nang kinasasabikang marinig.


“Didreiiiiii, mahal ko! Mabuti at tinawagan mo ako, matagal ko ng hinihintay ang pagkakataong ito. Ngunit bakit ang tagal bago mo tinupad ang sinabi mo na tatawag ka makalipas ang kalahating oras pagkatapos mong mailibing? Bakit ngayon lang?” Ang naibulalas ko habang hindi na mapigil ang pagpatak ng likidong nagmumula sa aking mga mata.


“Kalahating oras pa lang naman ang nakararaan Rohan at tinupad ko ang sinabi ko,” sagot ni Didrei sa akin.


Nagulumihanan ako sa sinabi niyang iyon, mahigit dalawampung taon na mula nang iwan niya ako. Tinapik ko ang aking pisngi sa pag-aakalang nananaginip lang ako. Hindi pala, totoo na talagang kausap ko si Didrei.


“Kamusta ka na mahal ko? Sabik na sabik na akong muli kang makita, makausap at makasama.” Patuloy na tanong ko habang patuloy na pumapatak ang mga luha ko. Nagawa ko pang mangamusta kahit na alam kong patay na siya. Hindi ko na siya makakasama. Wala na siya! Hindi ko na madarama ang tibok ng puso niya. Humiwalay nang tuluyan ang kaluluwa niya sa katawang panlupa at tuluyang nilamon ng kawalan ng daigdig nang dahil sa Leukemia. Ito ang katotohanan na hindi ko matanggap.


“Mabuti naman ako, nandito ako sa puso mo, ang tunay na langit. Dito’y wala ng hapis, wala ng dusa, wala ng pighati, wala ng lungkot at panambitan. Dito ay pawang kasiyahan na lamang at wala ng kamatayan. Alam kong nalungkot ka nang mawala ako pero hindi naman talaga ako nawala dahil ang kabiyak ng puso mo ngayon ay ako. At ang buhay na balak nating buuin ay kapiling mo na ngayon, ang dalawa mong anak. Sila ang bunga ng pagmamahalan natin.” Ang sagot ni Didrei at tuluyan ng nalagot ang linya ng aming usapan.


Natulala ako sa mga pangyayari. Mahabang katahimikan ang bumalot sa loob ng silid. Mahabang luha na hindi mapatid-patid ang pagdaloy sa aking buong pagkatao.


Mahabang panahon ang lumipas at ang pinakahihintay ay biglang magaganap. Mahabang serye ng pagmamahal na hindi tinutuldukan ng anumang hadlang.


Nabasag ng hampas ng hangin ang katahimikan. Tumayo ako para isara sana ang bintana ng aming silid. Isang malakas na ihip ang dumampi sa aking mukha. Sa lamesita ay biglang bumukas ang pahina ng isang makapal na aklat. Walang pagtigil ang paglipat ng mga pahina ng aklat dahil sa patuloy na pag-ihip ng hangin. Nilapitan ko ang lamesita at nalaman kong Biblia pala iyon. Sa paglapit ko’y huminto ang malakas na ihip ng hangin at huminto ang paglipat ng mga pahina. Natuon ang mga mata ko sa isang linya sa Biblia at aking nabasa sa ikalawang Pedro 3:8.


“Ang isang araw sa Panginoon ay isanlibong taon sa tao.”


Doon napagtanto ko na kung ang isang araw sa langit ay katumbas ng isanlibong taon dito sa lupa. Nangangahulugang ang isang oras sa langit ay katumabas ng apatnapu’t isang taon at walong buwan dito sa lupa. Ang kalahating oras sa langit ay katumbas ng dalawampung taon at sampung buwan sa tao. Ito ang sinasabi ni Didrei na kalahating oras.


Nagising si Nicole mula sa mahimbing na pagkakatulog. Nilapitan ko siya at hinagkan ang kanyang mga labi at niyakap.


“Mula ngayon ay mababago na ako, mamahalin kita at ang ating mga anak ng higit pa sa aking buhay.”


Dalawampung taon ang lumipas. Pasado alas-dose ng madaling araw ng unang petsa ng Nobyembre. Nagising si Nicole mula sa mahimbing na pagkakatulog dahil sa malakas na tunog ng cellphone. Pinilit niyang abutin ang cellphone sa lamesitang katabi ng kama. Tiningnan niya ang screen upang malaman kung sino ang tumatawag ngunit numero lang ang nakita niya.


“Han gising, may tumatawag!”


“Han may tumatawag!”


“Rohan may tumatawag!”


Hindi na lumiwanag ang madaling-araw. Umiyak ng umiyak si Nicole at hindi makapaniwala.