Di Mo Masilip ang Langit

ni Benjamin P. Pascual




Sa kwentong ito nakapaloob ang pagmamahal ng isang asawa sa kaniyang may bahay na handang gawin ang lahat para maipagtanggol ang karapatan niya at ang kaniyang pagmamahal.


- at pag-iinitan ka pa. Bago ka pa lang dito, pare. Yan ang unang matututuhan mo dito sa ob-lo pagtagal-tagal mo.

Umiiyak kanina ang waswas ko, pare. Isi ka lang, sabi ko. Ito ang kapalaran natin, e. Naawa siguro sa ‘kin. Matagal nang ito ang haybol ko at bibilang pa ng maraming taon na ito ang haybol ko. Sabi ko naman, ayaw ka ba n’on, konkreto ang bahay ko at ginugwardiyahan pa ng les-pu? Nagpapatawa lang ako, pare lungkot din ako. Sabik na ako sa laya, pare. Naaawa na rin ako sa waswas ko na di ko alam kung paano nabubuhay ngayong narito ako sa ob-lo.

Pare, sindihan mo yan. Huwag mo lang ipapatanaw ang baga sa labas. Takpan mo ng lukong ng palad mo.

Anong kaso mo pare? Arson, pare. Ha-Ha-ha! Isang ospital ang sinunog ko – o pinagtangkaang sunugin. Dahil hindi nasunog lahat, pare. Tersiya parte lang ng bilding ang kinain ng apoy.
Hindi ka siguro maniniwala, pare. Kami ang gumawa ng ospital na iyon. Sa Quezon City ‘yun, pare. Yong pribadong ospital na ari ng magkapatid na mestisong instik, Lim ang apelyido. Ang ibig kong sabihin, pare. isa ako sa mga peon, ‘yung nagtayo n’on, kantero ‘ko pare — ‘yon bang tagahalo ng semento.

Nang magawa namin yon pare, para ‘kong pintor na nakagawa ng obra maestra. Gano’n pala ang mararamdaman mo pag nakagawa ka, pag nakabuo ka ng isang magandang bagay. ‘Yon lang kasi ang magandang bagay na nagawa ko sa buong buhay ko. Alam ko, ang arkitekto ang nagplano n’on, pero, isa ‘ko sa mga gumawa. Kung masasabi niyang siyang gumawa n’on, masasabi ko rin na ako. paano mo matatayo ang isang bilding pare, kung wala kang tagahalo ng semento? Di mo ‘yon maitatayo sa pamamagitan ng lapis at papel lang.

Nang mayari namin ‘yon pare, di ko pagsawaang tingnan. Paulit-ulit kong minasdan. Lalagay ako sa malayo, sa harapan, at hahagurin ko ng tingin. Papa’no parang isang magandang babae, pare na maya’t maya’y gustong mong ukulan na humahanga at nagmamalaking tingin dahil alam mong mga kamay mo ang katulong na gumawa at bumuo.

At ito ang pinagtangkaan kong sunugin, pare! Ha-Ha! Sasabihin ko sa ‘yo kung bakit. Uumpisahan ko sa simula.
Mahigit na ‘sang taon naming ginawa ang ospital na ‘yon pare. Nang mayari ang pundasyon, marami sa mga kasamahan ko ang doon na natutulog. Alam mo na, para makatipid sa pasahe. Nang malaon, sinabi ko ke Luding — Luding ang pangalan ng waswas ko, pare — na do’n na rin ako matutulog, kasi kahit na nasa Quezon City rin kami nakatira e malayo sa amin ang ginagawang bilding, kailangan magdalawang sakay ka sa bus at dyip.
“Sige” sabi ng waswas ko.”Nang makatipid tayo ng kontisa gastos” Kasi pare, minimum lang ang pagana sa ‘kin sa ginagawang ospital. Ang minimum no’n disiotso, hustong-husto lang sa pagkain at pangangailangan naming mag-asawa.

Sasabihin Ko muna sa ‘yo Kung saan kami nakatira no’n, pare. Ang haybol namin no’n e hindi talagang bahay kundi isang maliit na kubo, mas tama sigurong tawaging barung-barung ‘yon, dahil mas marami ang yero – na unti-unti naming naitayo sa isang bakanteng lote sa tabi ng isang bagong tayo ring subdibisyon. Pinsan ng waswas ko ang inhenyerong nagtayo ng subdibisyon at napakiusap namin sa kanyang bakanteng ngang loteng ‘yon, na di na sakop ng lupa ng subdibisyon, na kaibigan naman ng inhiyerong pinsan ng waswas ko. Ang ibig ko lang sabhin dito, pare, legal naman ang pagkatira sa subdibisyon, hindi kami talagang iskwater na basta na lang nagtayo ng bahay, sa lupa ng me lupa. Sabihing nakatira, pero hindi iskwater.

Ang hirap ng lagay namin do’n pare. Para kaming etat, sa tabi ng isang basong gatas. Bakit e medyo maaskad ang kara ko. Kung tingnan ako ng mayayamang taga sabdibisyon e parang bang sa anumang sandali’y lolooban ko ang malaki at magaganda nilang bahay. Ang talagang dahilan lang nama’y nakakapagpapangit ang aming barung-barong, sa tingin, sa magaganda nilang bahay sa sabdibisyon at ibig nilang kami’y umalis.

Hirap kami no’n, pare. Ang layo ng iniigiban ko ng tubig. Wala pang ilaw. Ayaw kaming pakabitin ng koryente sa sabdibisyon. Ang ibig nga nila’y Kami’y umalis.

Sa itinatayong bilding na nga ako natutulog at umuuwi lang kung Sabado ng hapon. Me kasama naman sa bahay ang waswas ko, ang kanyang ina na nakapisan na sa amin mula pa nang kami’y ikasal. kung gabi, masaya kami sa ginagawang bilding. Me magpa¬pabili ng kuwatro kantos at pararaanin namin ang mga oras sa kantahan at kwentuhan. O gagalain namin ang buong bilding na kung baga sa tao e kalansay pa lang. Ang pasikot-sikot ng bilding e alam na alam namin, pare, na parang guhit ng aming palad.

Nang matapos na ang bilding – nang matapos na, ang ibig kong sabihin at me doktor na at me tumatanggap na ng pasyente – siya namang pagbubuntis ng waswas ko. ‘Yon ang una naming anak, pare. Wala pa kaming ‘sang taong kasal nang umpisahan naming gawin ang ospital.

“Hanggang Maagay magplano tayo”, sabi ko sa waswas ko isang gabi, at sinabi ko sa kanya na mabuti siguro’y sa ospital na itinayo namin siya manganak.

“Mahal roon,” sabi ng waswas ko. “Mayayaman lang ang nanganganak at nagpapagamot doon.”

“Me pri ward doon”, sabi ko naman.

“Hindi ko alam”,sabi niya.

“Alam ko”, sabi ko. kailangan ‘yon. kami ang gumagawa no’n, di ba? Gamot at pagkain lang ang babayaran mo sa pri ward doon at konting donasyon na ibibigay.”

“Ikaw, kung gusto mong do’n ako manganak e di do’n” sabi ng waswas ko.

“Meron ka bang alam na ibang ospital na maari mong pangana¬kan?” , sabi ko.

Tumingin lang sa akin ang waswas ko at hindi sumagot. Alam na niya na ang pinakamalapit na ospital sa ‘min e ang ginawa namin. Me ilang ospital naman na me pri ward din, pero iyo’y malayo na sa amin o nasa maynila na.

Wala pa ‘kong masasabi sa ‘yo tungkol sa waswas ko. Mabait siya, pare. Siya ‘yong kung sisigawan mo’y tatalungko na lang sa isang sulok. Sunud-sunuran sa gusto ko, pare. Maganda pa. nakita mo naman sa bisitor rum kanina. Me mukha naman, di ba?

Tayung-tayo pa ang suso, di ba? Pagkatapos naming mag-usap ng waswas ko kung saan siya manganganak, Isang araw na napagawi ako sa ospital na ginawa namin e nagtuloy ako sa loob. Wala naman akong ipapagamot. Gusto ko lang mag-usisa, mag-usyoso. Ginala ko ulit ang palibot, sinundan ng tinginang nagsasalimbayang mga nars at doktor. Pare, gusto kong sabihin sa lahat ng tao ro’n na isa ‘ko sa mga gumawa no’n.

Sa madaling salita’y lumaki at lumaki ang tiyan ng waswas ko. Nang walong buwan na ang kanyang kabuntisan e ping-uusapan uli namin ang kanyang panganganak. Para kaming nagdidril kung ano ang gagawin kung magkakasunog. Sabagay, kailangan ‘yon. Malayo ang subdibisyong aming iniiskwat sa kalsada na daanaan ng mga sasakyan. kaya halos lahat ng taga subdibisyon e me kotse.

“Pa’no kung dumating ang oras ng manganganak kang wala ako rito sa bahay?” tanong ko ke Luding. Mangyayari lang ‘yon, pare sa araw na nasa trabaho ako. Me ginagawa kaming bahay no’n sa Pasay.

“Lalakad ako hanggang sa abangan ng sasakyan at tatawag ng dyip o taksi at magpapahatid sa ospital,” sabi ng waswas ko.

“Makaya mo kayang lumakad hanggang sa kalsada?” tanong ko.

“Kakayanin ko,” sabi niya.

“Pa’no kung di mo makaya?” sabi ko. “Pa’no kung mapanganak ka sa daan?”

“Bahala na,” sabi niya.

“Sana’y narito ‘ko pag nanganak ka na,” sabi ko.
Tumawa ang waswas ko at ang sabi, “Di ganon din ‘yon. Maglalakad din ako hanggang sa abangan ng sasakyan.” “iba talaga ‘yung narito ‘ko,”sabi ko.

“Sabagay,”sabi niya.

“Sana’y sa gabi ka manganak,” sabi ko. “Narito ‘ko.

Huwag lang sa hating-gabi o madaling araw. Baka mahirapan tayong makakita ng taksing maghahatid sa ‘tin sa ospital.”

Naging problema sa ‘kin ang panganganak ng waswas ko. Unang anak ko ‘yon, pare, unang pagkakataon na magiging tatay ako. Maiintindihan mo naman siguro kung bakit gano’n na lang ang paghahangad kong malagay sa ayos ang panganganak niya, huwag malagay sa panganib ang aming magiging anak.

Pare,halos gabi-gabi’y pinag-uusapan namin kung ano ang ipapangalan sa aming magiging anak. Ang waswas ko’y mahilig sa mga pangalang Amer’kano at gusto niya ang mga pangalang Michael at Leonard at Robert, kung lalaki ang bata at kung babae nama’y gusto niya ang pangalang Elizabeth at Jocelyn at Roda. Ang gusto ko nama’y Lualhati, kung babae ang bata, at Joselito kung lalaki. Me kapatid kasi akong namatay na Jose ang pangalan at ikinabit ko ang Lito dahil ‘yon ang gusto kung maging palayaw n’ya Paboritong ko kasing artista si Lito Lapid, pare, Gaya ng nasabi ko na, sunod-sunuran sa ‘kin ang waswas ko at nagkasundo kami sa pangalang gusto ko.

Me isa pang dahilan kung bakit ayokong malagay sa panganib ang buhay ng aming magiging anak, pare. Gustong-gusto ng waswas ko ang kanyang pagbubuntis. Ang ibig kong sabihin pare, gustong-gusto niyang maging ina. Napapakiramdaman ko ‘yon sa ‘ming mga pag-uusap tungkol sa batang isisilang, kung nagsasabi siya ng mga pangalang Amer-kano na ibig niya para sa bata, kung pinag-uusapan namin kung saan pag-aaralin ang bata. Likas lang siguro ‘yon sa bawat babae. Bawat babae’y gustong maging ina. At ayokong maging sentimental, pare. Ang gusto ko sa waswas ko’y natural din sa mga lalaki, di ba?

Nobyembre, manganganak ang waswas ko at alam ko kung papasok ang buwang ito. Matatapos pa lang ang Oktubre, namumulaklak na ang talahib sa pagpasok ng Nobyembre at sa panganganak ng waswas ko.
Pumasok ang Nobyembre, nakaipon na ‘ko ng sandaang piso. Sa gaya kong nagkakantero lang, pare, hindi madaling mag-ipon ng sandaang piso na ilalabas mo sa gastusan sa bahay. Kinakailan¬gang awasin ko yon, nang unti-unti, sa gastos ko sa pagkain sa tanghali, sa paghinto muna sa paninigarilyo, sa hindi muna pagto¬ma. Pare, kung minsa,y nagpupunta sa birhaws o sa putahan ang mga kasama ko pero nagtiis akong maiwan sa ginagawang bilding. Tinipid kong talaga nang husto ang sarili ko, pare. Ang sandaang pisong ‘yon e inilaan ko sa biglaang pagkakagastusan, gaya ng ibabayad sa taksi kung dadalhin na sa ospital si Luding, o bayad sa ospital kasi nga’y me pagbabayaran ka rin sa ospital kahit pri ward.
Nasa trabaho ‘ko pare, nang magdamdam ang waswas ko. Umaga no’n. Ang pangyayari’y hindi ko nakita. Ikinuwento na lang sa ‘kin ng waswas ko kinagabihang puntahan ko siya sa ospital. Gan’to, pare. Isang oras pagkaalis ko ng bahay, sumakit ang tiyan ng waswas ko – talagang oras na ng panganganak niya, naramdaman niya. Hindi niya ‘ko matawagan sa telepono – siyempre walang telepono sa bahay na ginagawa namin. Hindi naman daw niya mautusan ang nanay niya na puntahan ako at pasabihan. Medyo engot ang matanda, pare, aanga-anga at mahina pa ang tenga. Sinabi na lang niya sa nanay niya na pumirme sa bahay at pupunta na siyang mag-isa sa ospital. Lalakad siya hanggang sa kalsada, gaya ng usapan namin, at sasakay sa dyip o taksi at magpapahatid sa ospital. Me pantaksi siya. Lagi siyang may nakahandang pantaksi na ibinigay ko sa kanya mula sa sandaang naipon ko.

Nang naglalakad na ang waswas ko sa mga kalye ng subdibisy¬on, pasiyorkat sa abangan ng sasakyan, bigla raw humilab ang tiyan at hindi siya makalakad. Napilitan siyang lumapit sa isang malaking bahay do’n na ari ng isang taga-BIR na ang pangla’y Mr. Cajucom, na me kotse, at kumatok siya nang kumatok at tumawag nang tumawag sa geyt. Ang lumabas, pare, e ‘yong asawa ni Mr. Cajucom, na ito at tinanong siya kung bakit. Sabi ng waswas ko’y manganganak na siya at kung maaari’y makikiangkas sa kotse at padadaan sa ospital.

“Kumakain pa, e”, sabi raw ni Miss Cajucom

Biruin mo ‘yon, pare? Kumakain pa raw! Pare, akong may kotse at me nagsasabi sa ‘kin na ang kapitbahay ko’y manganganak, maski na ‘ko nasa ibabaw ng waswas ko’y, babangon ako at uunahin kong asikasuhin ‘yung manganganak. Pero, pare, kumakain pa raw! Hindi man lang pumasok at sinabi ro’n sa asawa na ang waswas ko’y nasa labas at parang asong naghahanap ng mapapanganakan!

‘Mapapanganak na ‘ata ‘ko , Misis”, sabi raw ng asawa ko. “Baka di na ko umabot sa ospital.”

Buti na lang at lumabas si Mr. Cajucom at nakita ang waswas ko. Naawa naman siguro – o baka nisip na kargo de konsensiya niya kung mamamatay ang waswas ko sa labas ng kanyang geyt – iniwan ni Mr. Cajucom ang pagkain at agad daw nagbihis, pinasakay sa kotse ang waswas ko at isinugod sa ospital. Ang totoo, pare, nag-oopisina ang Mr. Cojucom na ito. Hindi naman niya kailangan ihatid sa ospital ang waswas ko, kailangan idaan lang niya sa ospital sa pagpasok niya sa opisina.

Eto na ang masakit, pare. Kung sa iyo nangyari ‘to e baka nakapatay ka ng tao.

Sasabihin ko muna sa ‘yo kung anong kotse meron ang Mr. Cojucom na ‘to, pare. Mustang ‘yon, pare, erkondisyon at bago. Malalaman mo naman kung bago ang kotse dahil sa plaka, di ba? Ang gara pare, kulay berde. Nakikita ko ang kotseng ‘yon pag gumagala si Mr. Cajucom sa loob ng subdibisyon. Pare, kahit sa layong isang kilometro, masasabi mong ang me are no’n e hindi basta-bastang tao. Maatik, ibig kong sabihin.

Eto na pare. Nang dumating na sila sa ospital, sabi ng waswas ko – sa ospital na ginawa namin, pare – salubungan daw sa kanila ang mga nars at attendant. Akala siguro, pare, misis ni Mr. Cajucom ang waswas ko.

Bumaba raw ng kotse ang waswas ko, sapo ang parang babagsak niyang tiyan, at sabi raw ke Mr. Cajucom: “Salamat ho, Mr. Cajucom”, at no’n siguro nalaman ng mga sumalubong na ang waswas ko’y nakiangkas lang sa kotse, “Sa pri ward lang ako”.

Pare, isa-isa raw tumalikod ang mga nars at attendants. Me natira namang isang nars, na sabi raw sa waswas ko: “Titingnan ko ho kung me bakante, maghihintay muna kayo ro’n”.
Maghintay muna raw, pare. Namimilipit na ang waswas ko sa sakit ng tiyan. maghintay raw muna.

Naupo ang waswas ko sa lobi at naghihintay. At nakalimutan na siya pare. Sinabi kong nakalimutan, pero ang dapat ‘atang sinabi ko’y hindi inintindi. Dahil beinte minutos pa ang naka¬raan, sabi ng waswas ko, e hindi pa rin sumisipot ang nars na nagsabi sa kanya na maghintay siya ro’n.

Malungkot, pare. Do’n na napanganak ang waswas ko, at ang pagkaguluhan siya ng mga nars at doktor at isakay sa estretser at isugod sa elebeytor para dalhin sa emerdiyensi rum. Eh huli na patay na ang bata. Bopol ako sa ingles pare, mahina ‘ko riyan at wala ‘kong naiintindihan sa mga salitang ingles na sinabi nila na siyang dahilan raw ng pagkamatay ng bata. Pero ang waswas ko pa rin ang pinaniniwalaan ko. Sabi ng waswas ko’y namatay ang aking anak dahil bumagsak sa semento. Simpleng-simple. pare. Bumagsak sa semento.

Nakita ko ang bata, pare. Nang gabing iyon ng sumugod ako sa ospital pagkagaling sa bahay. Nakapagpapaalala, pare, sa isang kuting na nabalian ng leeg. Kuting, pare. pusa. Napaiyak ako, pare.

Pare, mamamatay ba ang batang ‘yon kung halimbawang ang asawa ng waswas ko’y si Mr. Cajucom? Kung halimbawang kame ang me are ng mustang?
At nangyari yon. Pare, sa ospital na ang mga kamay ko ang katulong na gumawa. Masakit, pare!

Nang gabing ‘yon, sa priward, pare – iyak nang iyak ang waswas ko. Gusto raw niyang maghabol. Hindi raw niya mapapaya¬gang mamatay ng gano’n na lang ang aming anak. Sabi ko’y ano ang magagawa namin? Mapapalabas ba naming kasalanan ng ospital kung nanganak siya sa paghihintay sa lobi? Pinaghintay naman siya. di ba? At ang ospital e maraming pera sa husgado, kami’y wala. Inalo ko na lang waswas ko. Pare, nagtawa pa ‘ko. Sabi ko’y gagawa uli kami ng beybi. Gagabigabihin namin, sabi ko. Pero ngitngit ako, pare. Iyak ng iyak ang misis ko. Kawawa naman daw ang aming anak.
Babae ang bata, pare.

Eto pa ang isa na talaga namang nakakaasar, pare. Kinabukasan ng gabing youn sumugod ako sa ospital, kinuha ko ang patay na bata at ibinurol sa aming bahay. Kinabukasa’y nagbalik ako para ilabas ang waswas ko. Ayaw ni Luding na magtagal do’n, pare, at naiitindihan mo siguro kung bakit. Isa pa’y inaalala niya na baka lumaki ang babayaran. At gano’n nga ang nangyari, pare. Nang pinaghahanda ko na ang waswas ko sa paglabas, sinabi sa ‘kin ng isang nars na pumunta raw muna ako sa kahero at babayaran ko ang dapat bayaran. Nagpunta naman ako. Pare, ang pinababayaran sa ‘kin sa ospital, sa gamot daw at sa pagkain at sa kuwarto e dos sientos beinte! Pare para ke pang naging pri- ward ‘to kung magbabayad din ako ng ganitong kalaki? Halos naisigaw ko sa kahero. Hindi ngayo’t priward ang tinigilan ng asawa mo e pri ward na lahat. Sabi naman ng kahero, pare. Gusto kong mandagok!
Ang dala kong pera’y sisenta pesos – ang beinte pesos ng sandaan ko’y ibinigay ko nga ke Luding at ang iba’y di ko alam paano nagasta ibinayad ko yon sa kahero at nangako ako – pumirma ako promissori not ‘ata ang tawag don’n – na bukas e babayaran ko ang kakulangan. Dahil namatay ang bata, pumayag na rin ang ospital. Saka ko pa lang nailabas ang waswas ko.

Ayokong maawa sa sarili, pare. Hindi raw dapat sa tao yang maawa ka sa sarili dahil pag naawa ka sa sarili mo e maiingit at mamumuhi ka naman sa iba, na hindi raw dapat. Pero nang gabing ‘yong nakaburol ang anak ko at patulo nang patulo ng luha ang waswas ko e gano’n ang nararamdaman ko. Pare, ni walang umilaw sa patay ng sanggol kundi dalawang kandila na inalagay namin ni Luding sa ulunan at paanan ng kabaong. Hindi namin magawang makikabit ng koryente sa pinakamalapit na bahay sa subdibisyon, dahil baka kami tanggihan at pumayag man ang bahay na ‘yon e kailangang bumili rin kami ng kordon at iba pang gamit, na baka hindi na kaya ng bulsa ko. Ang ibinayad namin sa ataul e inutang ko lang sa me ari ng bahay na aming gingagawa, Me mga kasama ako sa trabaho at kaibigan na nag-abot sa ‘kin ng sampu, lima, dalawa, pero iniukol ko ‘yon sa gagastusin sa libing at sa dapat ko pang bayaran sa ospital. Awang-awa ako sa sarili, pare. Bale ba’y ni walang nagpunta sa bahay sa dalawang gabing pag-kakaburol sa bata. Sabagay, mabuti na rin ‘yon dahil wala kang malaking iintindihing pakakapehin at aalukin ng biskuwit. Pero sa mga nakatira ro’n e hindi makidalamhati sa ‘yo kung me patay ka, makakaramdam ka ng sakit ng loob. Maaawa ka sa sarili mo.
Kinabukasan namin inilibing ang bata. Pumalya uli ako sa trabaho. Dalawang araw na ‘kong pumapalaya sa trabaho at ikatlo ang araw na ‘yon. Nang umuwi kami nang maggagabi na, pagkagaling sa libing, naupo ang waswas ko sa tabi ng bintana at tumingin sa labas. Parang walang nakikita tumitingin lang sa labas. Ayaw magsalita, pare. Para ‘lang mabubuwang, pare. Ang nanay niya’y ayaw ring magsalita at mahirap namang kausapin dahil medyo engot nga at mahina ang tenga. Lumalabas ako, pare. Nagpunta ako sa daraanan ng sasakyan na me tindahang nagbibili ng alak at pumasok at nagbuwal ng isang bilog.

No’n ko naisip na magpunta sa ospital. Hindi na malinaw sa isip ko kung bakit nagpunta ako ro’n sa ospital. Siguro’y no’n ko naisip na magbayad ng kulang ko – ng utang ko. Siguro’y gusto ko ipakilala sa ospital na kahit na ‘ko mahirap, kahit hirap na hirap sa buhay e me konti ako, ng tinatawag na dignidad at nakakakilala ako ng masama’t mabuti at marunong akong magbayad ng utang ko – kahit sa kanila na pumatay ng sanggol ko. Ewan ko, anu’t anuman, pare, nagpunta ‘ko sa ospital. Binayaran ko ang utang ko. Ipinakilala kong marunong akong magbayad ng utang at nasiyahan ako ng

konti at sinira ko ang promisori not sa harap ng kahero, nang ibigay niya ‘yon sa ‘kin nang magbabayad ‘ko.
Galing ako sa kahero, patungo na sa labasan ko, nang mapatingin ako sa palibot na gaya ng nakaugalian ko sa ospital na ‘yon. Pare, siguro nga’y senglot ako, ang tingin ko sa mga doktor at mga nars na nakikita ko’y nakatawang mga alamid na pumatay sa batang inilibing ko at ang waswas kong nakatulala sa bahay at ang pangyayaring sa mga susunod na araw e maaaring wala na kaming kakanin. Naramdaman kong gusto kong manira, pare. Gusto kong sirain, wasakin ang bilding na ‘yon na lagi kong ipinagmamalaking isa ‘ko sa mga gumawa.

Pumanhik ako sa ikalawang palapag. Me isang silid do’n na no’ng ginagawa pa lang namin ang bilding e tinutulugan namin ng mga kasama kong peon. Ngayo’y pahingahan ‘yon ng mga dalaw at ng nars at doktor na napapagod sa trabaho. Pumasok ako ro’n at umihi sa sopa. Inihian ko rin ang telebisyon na para sa bisita. Ang gusto ko lang e Magdumi at manira, pero nang wala na ‘kong maiihi, naisip ko namang magwasak. Nabuwang na nga ‘ko, pare. Ibinuwal ko ang mga kurtina. Siniliban ko rin ang mga magasing naro’n at ang apoy e idinuldol ko sa lahat ng bagay maaring magdingas.
Naglagablab na ang silid nang lumabas ako. Isang attendant na lalaki and nakakita sa ‘kin. Nakita niya ang usok at apoy na lumalabas sa ilalim ng nakasarang pinto at nahulaan ang ginawa ko. Tumakbo ako. Hinahabol niya ‘ko at sa ibaba inabutan. Pero malaki na ang apoy, pare. Nagpalipat-lipat na ‘yon sa maraming silid.

Apat na atendant at guwardiya and gumulpe sa ‘kin pare, bago ako ibinigay sa les-pu. Pero tersiya parte nga ng ospital ang nasunog ko.

Yosi pa, pare? Nadadalhan pa ‘ko ng yosi ng waswas ko, Ewan ko kung sa’n siya kumuha ng ibinigay nito. Naghahanap buhay daw siya kahit pa’no pero di ako nagtatanong kung ano ang hanapbuhay ‘yon. Wala siyang alam na trabaho pare. Paris ko rin siyang bopol. Baka masaktan lang ang loob ko kung malalaman ko kung anong hanapbuhay ‘yon kaya di ako nagtatanong.

Sige, pare, matulog na tayo. Mag-aalas diyes na siguro. Dito sa ob-lo, pare, lalo na sa gabi, kailangan hulaan mo lang ang oras. Kasi nga’y walang me relo dito. Ni hindi mo naman masilip ang langit sa labas mahulaan mo sa ayos ng mga bituin, kung anong oras na nga. Wala kang masisilip dito kundi pader at rehas. Ewan ko naman kung me langit nga sa labas. Hindi na ‘ko bilib sa langit, pare. Matagal na ‘kong kinalimutan ng Diyos.