Tag-ulan na naman, minsan ko narin nakatuwaang maglaro sa
ulan nung ako'y bata pa, isang gigintong ala-ala na napaka
sayang balikbalikan. Maliligo at basang-basa... pero iba
na ngayon. Dati'y rati ang ulan ang siyang nagpapasaya
sa akin, ngayo'y nagdudulot na ng bigat sa aking pakiramdam.
Ilang taon narin ang nakaraan nung una kong naranasan ang
lungkot ng tag-ulan, sa paglipas ng panahon, paulit-ulit ko
paring nararanasan ang pakiramdam na dulot ng ulan na ito...
Natatanong ko nalang sa aking sarili ... "Ano bang mayroon
sa ulan?", hanggang sa likod ng aking sariling kamalayan
ay may sasagot ng "Walang lungkot na dulot ang ulan, sadyang
ang ala-ala lamang ang nagbibigay lungkot dito". Sa tuwing
lumilipas ang mga panahon sa aking buhay, pinipilit kong
muling maging masaya tuwing sasapit ang tag-ulan, gusto kong
bumuhos ang ulan at tuluyang ibagsak ang nakabiting damdamin
na minsan pang naglalaro sa aking gunita. Sa pagmasid ko sa
kawalan, unti-unti kong nakikita ang aking sarili na nilalaro
ang bawat butil ng ulan, pagpatak nito'y nagiging mabisang
sagot sa lahat ng katanungang gumugulo sa aking isipan. Sa
sandaling nawawaglit sa aking ala-ala ang sakit na dulot ng
ulan, siya namang mumunting paghilom ng sugat na nagdulot ng
kapighatian sa aking damdamin. Ano ang tunay na dulot ng ulan?,
Kasiyahan ba? o kalungkutang natatago sa likod ng mumunting
butil ng patak nito. Pero kahit gaano kalakas ang ulan sa
aking buhay, may bahid man ng pait at sakit ang bawat patak
nito, maging latay man ang pagdampi nito sa damdamin ko. Muli
ko parin dadamahin ang lamig nito, lamig na kung saan nagiging
dahilan ng kasiyahan ko. Sa pagtila ng ulan na ito, sisikapin
ko muling ngumiti sa pagtanaw ng isang bahagharing pupukaw
sa lahat ng kalungkutang dulot ng ulan, at minsan pa'y iuusal
ko sa Maykapal ang katagang "Maraming salamat sa ulan, dahil
dito.... ako'y muling Magmamahal"...
-- Jay eL